Nagbabala ang mga awtoridad laban sa isang viral Facebook post na nagsasabing lahat ng senior citizen sa bansa ay makatatanggap ng P100,000 kada taon mula sa pamahalaan.
Ayon sa fact-check ng mga opisyal na ahensya, hindi totoo ang nasabing impormasyon. Tanging ang mga centenarian o mga senior citizen na may edad 100 ang lehitimong makatatanggap ng P100,000 cash gift alinsunod sa Republic Act No. 11982, na nilagdaan noong 2024.
Ang naturang Facebook post, na in-upload ng page na “Advisory Express PH” na may mahigit 49,000 followers, ay naglalaman ng mga pekeng registration links. Batay sa pagsusuri ng urlscan.io, ang mga link ay nagdadala sa mga shopping website at hindi sa anumang opisyal na ahensya ng gobyerno.
Mayroon na itong 724,000 views, 13,000 reactions, 4,600 comments, at 7,200 shares. Ayon sa mga eksperto, ginagamitan ng AI-generated deepfake video ang post — bagay na kinumpirma ng HiveMind, na nagsabing 99.8% fake ang naturang video.
Sa ilalim ng RA 11982 (Expanded Centenarians Act), ang mga senior citizen ay makatatanggap ng:
- P100,000 sa pagsapit ng edad 100
- P10,000 sa edad 80, at karagdagang P10,000 tuwing limang taon hanggang edad 95
Samantala, ang mga mahihirap o indigent senior citizens ay patuloy na binibigyan ng P1,000 buwanang ayuda sa ilalim ng Republic Act No. 11916 para sa kanilang pang-araw-araw at medikal na pangangailangan.
Nagpaalala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang National Commission of Senior Citizens (NCSC) na huwag maniwala sa mga pekeng post o link na kumakalat sa social media.
“Makipag-ugnayan lamang sa mga opisyal na government website at verified social media accounts ng DSWD at NCSC,” paalala ng dalawang ahensya, na nagbabala rin laban sa mga online scam na gumagamit ng pangalan ng gobyerno.
Verdict: FALSE CLAIM
Walang programa ang pamahalaan na nagbibigay ng P100,000 taun-taon sa lahat ng senior citizens. Ang mga link sa nasabing post ay pekeng website at posibleng maging daan sa scam o data theft.
