
Pinangunahan nina Deni Avdija at Jrue Holiday ang Portland Trail Blazers sa isang matikas na panalo, 122-108, laban sa Los Angeles Lakers sa Crypto.com Arena.
Umiskor si Avdija ng 25 puntos, kabilang ang 17 sa unang kalahati, habang si Holiday ay bumira ng 24 puntos, 17 dito sa ikalawang yugto, upang tulungan ang Portland na makamit ang ikalawang sunod na panalo kontra Lakers matapos matalo sa anim na naunang laban.
Galing sa bench, nag-ambag si Jerami Grant ng 22 puntos, habang si Donovan Clingan ay nagtala ng 16 puntos at 14 rebounds. Si Shaedon Sharpe naman ay nagdagdag ng 16 puntos, pitong rebounds, at apat na steals.
Para sa Lakers, muling nanguna si Austin Reaves na kumamada ng 41 puntos, kasunod ng kanyang 51-point explosion laban sa Sacramento Kings kagabi. Sa loob ng dalawang gabi, nakapagtala siya ng kabuuang 92 puntos, ngunit hindi ito sapat upang mailigtas ang injury-depleted Lakers.
Hindi pa rin nakalaro sina LeBron James (sciatica) at Luka Doncic (finger/leg contusion), gayundin sina Marcus Smart at Gabe Vincent dahil sa injury.
Si DeAndre Ayton, dating manlalaro ng Portland, ay nagtala ng 16 puntos at walong rebounds para sa Lakers, habang sina Rui Hachimura at Dalton Knecht ay nag-ambag din ng tig-16 puntos.
Bagaman nakalapit ang Lakers sa 115-105 matapos ang tres ni Reaves sa huling tatlong minuto, agad namang bumawi ang Blazers sa mga puntos nina Toumani Camara at Clingan upang tuluyang tapusin ang laban.
Nag-shoot ang Portland ng 45.6% mula sa field at 14 tres sa 43 tira, habang ang Los Angeles ay nagtala ng 47.1% shooting ngunit limitado sa 7 tres sa 27 attempts.
Sa panalo, umangat ang Blazers sa 2-1 record sa ilalim ng interim coach Tiago Splitter, habang patuloy na naghahanap ng porma ang Lakers na kulang pa rin sa mga pangunahing manlalaro. (RON TOLENTINO)
