Nagmistulang ghost town ang dating buhay na buhay na komunidad sa Hillsdale Summit Subdivision sa Angono, Rizal, isang lugar na dati’y puno ng halakhak, musika, at kabuhayan.
Ngayon, katahimikan at pangamba na lang ang nangingibabaw, matapos harangin ang daanan ng mga nakamaskrang mga kalalakihan ang mga pumapasok na customer at empleyado dahilan para itigil ang operasyon ng mga negosyo na nakatirik sa lugar.
Ang dahilan?
‘Yan ay dahil sa ipinatutupad na Writ of Execution laban sa ilang istruktura sa lugar, na kalaunan ay napag-alaman na mga bubwit ng BERDUGO na sakop pala ng Taytay, Rizal at nadadamay lang ang mga negosyo na nasa lupain ng Angono.
Nakakalungkot lang dahil tinatayang nasa 200 hanggang 300 empleyado ang nanganganib mawalan ng habapbuhay, silang mga umaasa sa bawat tip, sa bawat sahod, bawat oras ng pagtatrabaho sa mga kainan at café na ngayo’y pinatatahimik ng alitan sa lupa at kapabayaan ng mga kinauukulan.
Batay po sa sheriff’s report ay hindi kabilang ang Tagpuan Restaurant na bahagi na ng Angono, Rizal sa lupang pinagtatalunan pero bakit kailangan silang madamay sa panghaharas?
At bakit tila napakadali para sa mga makapangyarihan, mga developer, abogado at may kontrol sa lupa na patahimikin ang maliliit na negosyong matagal nang nagsisilbi sa turismo ng bayan?
Mas nakababahala, nagkaroon pa ng tensiyon matapos harangin ng mga maskaradong kalalakihan na umano’y konektado sa Park Developers Inc. ang mga customer at empleyado sa lugar. Ano’ng tawag natin sa ganitong hakbang kung hindi panghaharas? At bakit pinapayagan na ang ganitong uri ng pribadong puwersa ay mistulang may kapangyarihang higit pa sa batas?
Kung hindi dahil sa mabilis na aksyon ni PCOL Feloteo Gonzalgo, Provincial Director ng Rizal Police, na agad nagpadala ng tauhan sa lugar, malamang ay tuloy-tuloy pa rin ang kaguluhan.
Ipinakita ni Gonzalgo na sa gitna ng sigalot, may mga lingkod-bayan pa ring handang kumilos para sa katahimikan.
Pero ayon sa mga bubwit ng BERDUGO, hindi sapat ang agarang responde kung ang ugat ng problema ay kawalan ng malasakit at malinaw na aksyon mula sa lokal na pamahalaan. Mismo!
Ang LGU ng Angono, na dati ring nagbigay ng mga permit sa mga negosyante, ngayon ay tila mabilis ding naghuhugas-kamay, sinasabing hanapan na lang ng lilipatan ang mga negosyante. Araykupo!
Ganun na lang ba kadaling burahin ang taon ng sakripisyo at puhunan ng mga maliliit na manggagawa’t negosyante?
Ayon pa sa mga bubwit ng BERDUGO, hindi lamang ito isyu sa lupa, kundi isyu ng kabuhayan at katarungan. Hindi dapat binabalewala ang sigaw ng mga ordinaryong tao sa ngalan ng legalidad kung ang batas mismo ay nagiging kasangkapan ng pang-aapi.
Sa panahong ito, nananawagan kami sa korte at sa lokal na pamahalaan ng Angono. Maging patas. Linawin ang saklaw ng kautusan. Protektahan ang mga walang kalaban-labang negosyante at empleyado na ngayon ay nagdurusa sa mga desisyong hindi man lang nila naiintindihan.
Kung mananatiling tahimik ang mga dapat manguna, baka tuluyang maging bangungot ang ghost town na ito, hindi lang sa Hillsdale, kundi sa konsensya ng mga nagpabaya. ‘Yan ay kung talagang mayroon silang konsensiya. Naloko na!
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com.
