Photo credit: PIMAI
ITINAMPOK ang karunungan, serbisyo, at malasakit sa ikalawang Gawad Parangal for Exemplary Senior Citizens 2025, kung saan ipinagdiwang ng bansa ang natatanging ambag at pamana ng mga Filipinong nakatatanda noong Oktubre 15 sa QC MICE Convention Center.
Pinangunahan ng Senior Citizens Party-List sa pamumuno ni Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes, kinilala sa taunang okasyon ang 22 natatanging senior citizens mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao dahil sa kanilang tapat na paglilingkod at malasakit sa komunidad.
“Sila ang patunay na ang edad ay hindi hadlang sa paggawa ng kabutihan,” pahayag ni Ordanes, na binigyang-diin ang patuloy na papel ng mga senior citizen bilang haligi ng isang makatao at inklusibong lipunan.
Binigyang-diin din sa seremonya ang 2025 Cong. Jun Datol Natatanging Pagkilala Award, na iginawad sa siyam na senior citizens na naging matatag na katuwang ng partido at pamahalaan sa pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga nakatatanda.
Sa kanyang 20th Congress Accomplishment Report, ipinagpatuloy ni Ordanes ang panawagan para sa KKK framework (Kalusugan, Kasiyahan, at Kabuhayan) na layuning matiyak na ang bawat nakatatandang Pilipino ay mabubuhay nang may dangal, saya, at seguridad.
Kabilang sa mga pangunahing adbokasiya ng grupo ang Universal Social Pension, Geriatric Health Programs, Employment Opportunities for Seniors, at ang Graduated Senior Citizens Act na layong palawakin ang benepisyo batay sa edad.
Bagaman hindi nakadalo si DSWD Secretary Rex Gatchalian, ipinaabot ni Assistant Secretary Edmon Monteverde ang mensahe ng suporta ng kagawaran, na nagpapatunay sa patuloy na pagtutok ng pamahalaan sa kapakanan ng mga nakatatanda.
Ang parangal ay nagsilbing kulminasyon ng Elderly Filipino Week, bilang pagkilala sa malaking ambag ng mga senior citizen sa pamilya, komunidad, at bansa.
“Ang ating mga nakatatanda ay hindi labi ng nakaraan — sila ay buhay na patunay ng tibay, pag-ibig, at serbisyo,” ani Ordanes.
“Bawat patakarang ating ginagawa ay dapat nagsisiguro na walang senior citizen ang maiiwan,” dagdag pa niya.Sa pagtatapos ng seremonya, sabay-sabay na tumayo ang mga dumalo sa pagbibigay-galang, dala ang mensaheng malinaw na ang Gawad Parangal ay hindi lamang selebrasyon ng karangalan kundi ito ay isang panawagan ng pagkilos upang igalang, ipagtanggol, at bigyang-kapangyarihan ang mga nakatatandang patuloy na gumagabay sa sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng karunungan at kabutihan. (MINA PADERNA)
