Kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) at Quezon City Police District (QCPD) na nasa impluwensiya ng ilegal na droga ang UV Express driver na nagsanhi ng malagim na karambola sa Commonwealth Avenue noong Oktubre 17, na ikinasawi ng isang tao at ikinasugat ng 14 iba pa.
Kinilala ang suspek na si Ruel Dela Cerna, 54-anyos, na umano’y nakagamit ng shabu ilang oras bago ang insidente, batay sa resulta ng pagsusuri ng PNP Crime Laboratory na nagpositibo sa methamphetamine hydrochloride.
Ayon sa ulat, minamaneho ni Dela Cerna ang isang UV Express nang salpukin nito ang ilang motorsiklo sa bahagi ng Elliptical Road at tuloy-tuloy na nagpadalos-dalos sa pagmamaneho sa kahabaan ng Commonwealth Avenue. Sa halip na huminto, nagpatuloy pa raw ito hanggang sa mabangga ang isang dump truck, isang sedan, at ilang motorsiklo sa tapat ng Commission on Human Rights (CHR).
Dahil dito, agad binawi ng LTO ang lisensiya ng drayber.
“Sisiguraduhin nating hindi na makakapagmaneho itong UV Express driver na ito,” ayon kay Acting DOTr Secretary Giovanni Lopez.
Samantala, sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng naturang UV Express unit at naglabas ng show cause order laban sa may-ari ng sasakyan upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat bawiin ang kanilang prangkisa.
Nahaharap si Dela Cerna sa mga kasong reckless driving, violation of the Anti-Drunk and Drugged Driving Act, at improper person to operate a motor vehicle, bukod pa sa iba pang mga kasong kriminal.
Sa ngayon, nakakulong na ang suspek sa QCPD Traffic Enforcement Unit habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon kay QCPD Chief Col. Randy Glenn Silvio, nagmula si Dela Cerna sa Elliptical Road nang bigla itong sumalpok sa mga motorsiklo at nagpatuloy pa sa pagmamaneho sa halip na huminto.
“Sinubukan pa nitong umatras matapos harangan ng dump truck, dahilan upang mabangga pa ang isang sedan at ilan pang motorsiklo,” ani Silvio. Mariing kinondena ng Department of Transportation ang insidente at nagpaalala sa lahat ng mga drayber na hindi kailanman katanggap-tanggap ang pagmamaneho habang nasa impluwensiya ng droga o alak.
