Muling magbabalik sa entablado ng pandaigdigang tennis si Alex Eala, dala ang watawat ng Pilipinas sa 2025 Guangzhou Open sa China ngayong linggo, isang torneo na maaaring maging panimulang yugto ng kanyang pagbabalik sa porma matapos ang ilang buwang pananahimik sa kompetisyon.
Habang inaabangan pa ang singles draw, agad na masusubok ang batang Pinay sa doubles event, kung saan makakapareha niya ang beteranang Ukrainian Nadiia Kichenok laban sa ika-apat na seed na sina Emily Appleton at Tang Qianhui.
Sa unang tingin, tila mabigat na assignment agad para kay Eala pero kung may isang bagay na kilala sa kanya, iyon ay ang tapang at disiplina sa harap ng matitinding kalaban.
Sa kasalukuyan, si Eala ay nasa No. 204 sa WTA doubles ranking, habang sina Appleton at Tang ay parehong nasa top 100. Malaking agwat, oo, pero tandaan nating ang tennis ay hindi lamang laban ng ranking, kundi ng puso at kumpiyansa.
Sa mga nakaraang laban, kabilang na ang Wimbledon noong Hulyo kung saan maaga siyang nalaglag, kapansin-pansing tila hinog na si Eala sa karanasan ngunit naghahanap pa ng tamang timpla sa consistency.
Ang pagkakapanalo rito sa Guangzhou, kahit isang round lang, ay maaaring magsilbing spark upang maibalik ang kumpiyansa at momentum na minsang nagdala sa kanya sa tuktok ng ITF circuit.
Magandang hakbang din ang pagsasama kay Kichenok, isang seasoned player na umabot sa quarterfinals ng Olympics at Grand Slams. Hindi lang karanasan ang dala ni Kichenok, dala rin niya ang leadership at maturity na maaaring maging malaking tulong kay Eala sa pagharap sa pressure ng pro tour.
Sa huli, higit pa sa resulta, ang mahalaga ay patuloy ang laban. Sa bawat pagbalik ni Alex Eala sa court, bitbit niya hindi lang ang sarili niyang pangarap, kundi ang pag-asa ng bawat batang Pilipinong naniniwalang kaya rin nilang magtagumpay sa pandaigdigang entablado.
Kaya habang nakatutok tayo sa Guangzhou, isang bagay ang tiyak: hindi man sigurado ang panalo, sigurado ang puso.
Go, Alex. Laban, Pilipinas. (RON TOLENTINO)
