Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko na manatiling mapagmatyag at laging handa sa harap ng mga kalamidad na patuloy na tumatama sa bansa, kasunod ng mga lindol at bagyong nagdulot ng pinsala sa iba’t ibang rehiyon.
Sa kanyang pinakabagong vlog na pinamagatang “Handa sa Sakuna” na ipinalabas nitong Linggo, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagiging alerto at maagap upang makaiwas sa kapahamakan at makapagligtas ng buhay.
“Dahil ang Pilipinas ay nasa Pacific Ring of Fire, very prone tayo sa mga ganitong sakuna at kalamidad. Lindol man o pagsabog ng bulkan, kailangan natin lalo pang paigtingin ang ating disaster preparedness and response,” ani Marcos.
Hinimok ng Pangulo ang bawat pamilyang Pilipino na magkaroon ng sariling family disaster plan na nagtatakda ng ligtas na lugar ng tagpuan at mga evacuation site. Iminungkahi rin niyang turuan ang mga bata ng tamang protocol sa oras ng lindol.
Kasama sa mga ipinayo ni Marcos ang paghahanda ng “go bag” na may lamang pagkain, tubig, gamot, flashlight, radyo, pito, lighter, hygiene kit, mga importanteng dokumento, at kaunting emergency cash.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang pag-iingat laban sa fake news, na aniya’y nakapagpahamak sa ilang biktima ng lindol sa Davao Oriental at Cebu matapos maniwala sa maling impormasyon.
“Pag-ingatan ninyo ‘yung fake news. Ang pakinggan lang po ninyo ay ang mga balita na nanggaling sa mga opisyal na website ng mga ahensya ng pamahalaan—PHIVOLCS, PAGASA, pulis, at mga LGU,” paalala niya.
Sinabi rin ng Pangulo na nagsagawa na ng mga hakbang ang pamahalaan upang maagapan ang epekto ng mga sakuna, kabilang ang prepositioning ng food packs at go bags ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan.
Kasabay nito, muling iginiit ni Marcos ang kahalagahan ng pagsunod sa safety standards sa mga gusali at imprastruktura, lalo na sa gitna ng mga kontrobersiyang bumabalot sa mga flood control project.
“Ang mga polisiya natin sa pagpapatayo ng mga gusali ay dapat isagawa nang may buong katapatan. Ang kaligtasan ng bawat pamilyang Pilipino ang nakasalalay dito,” aniya.
Bilang pagtatapos, sinabi ng Pangulo na dapat maging bahagi na ng kulturang Pilipino ang kahandaan:
“Likas sa atin ang mga sakunang ito, kaya’t kailangan ay likas din sa atin ang kahandaan. Mas marunong at mas maagap na Pilipino ang kailangan natin.”
