PATAY ang limang miyembro ng pamilya matapos silang madaganan ng nasunog na puno ng Buli (Buri Palm Tree) habang mahimbing na natutulog sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Cawayanin, Pitogo, Quezon, nitong madaling-araw ng Linggo, Oktubre 19, 2025.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Alberto Anoche Bueno, 66; Jean Andrea Bueno Peña, 35; Alvin Del Mundo Peña, 35; Nazareth Eussef Bueno Peña, 11; at ang limang buwang gulang na lalaking sanggol na si Noeh Isaiah Bueno Peña, pawang mga residente sa nasabing bayan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Pitogo Municipal Police Station, pasado alas-5:30 ng umaga nang bumagsak ang nasunog na puno ng Buli sa bahay ng mga biktima. Dahil sa lakas ng pagbagsak, gumuho ang bubong at nadaganan ang buong pamilya na agad nilang ikinasawi.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk and Reduction and Management Office (MDRRMO) Pitogo, at mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ngunit wala nang naabutang buhay pa sa mga biktima sa isinagawang retrieval operation at ngayon ay patuloy na tinutulungan ng mga awtoridad ang mga naiwang kamag-anak ng nasawing biktima.
Ayon sa mga residente, matagal nang nakatayo ang naturang puno sa lugar at nasunog umano ilang araw bago ang insidente. Iniimbestigahan na ngayon ng mga awtoridad kung ano ang sanhi ng pagkakasunog at pagbagsak ng puno na kumitil sa buhay ng limang biktima. (KOI HIPOLITO)
