IPINAG-UTOS ng Commission on Audit (COA) sa mga opisyal at empleyado ng National Irrigation Administration (NIA) na isauli sa gobyerno ang halagang P7.5 milyon matapos mapatunayang labis at hindi awtorisado ang ibinigay na cash incentives noong 2016.
Sa siyam-na-pahinang desisyon, pinagtibay ng COA en banc ang Notice of Disallowance (ND) laban sa mga insentibong ibinigay sa ilalim ng Collective Negotiation Agreement (CNA) ng ahensya, matapos madiskubreng lumampas ito sa itinakdang limitasyon ng Department of Budget and Management (DBM).
Ayon sa COA, lumabag ang NIA sa DBM Budget Circular No. 2012-4, na nagsasabing hanggang P25,000 lamang ang pinapayagang halaga ng CNA incentives.
Dahil dito, inatasan ng COA ang mga nag-apruba at nakatanggap ng naturang insentibo—kabilang sina dating NIA Administrator Antonio Nangel, Administrative Department Manager Violetta Esguerra, Accounting Division Manager Noemi Villanueva, at iba pang opisyal at empleyado, na isauli ang kabuuang P7,555,000 sa kaban ng bayan.
Sa kanilang apela, iginiit ng mga opisyal ng NIA na wala umanong binanggit na “ceiling” o limitasyon ang Administrative Order mula sa Office of the President tungkol sa CNA incentives. Ngunit giit ng COA, malinaw na itinadhana ng batas na ang mga benepisyo ay “dapat limitado sa makatwirang halaga na itatakda ng DBM.”
Dagdag pa ng COA, batay sa naging pasya ng Korte Suprema, anumang iligal na pagbabayad ng allowance o benepisyo ay may kaukulang obligasyong isauli ito ng mga nakatanggap.
“The natural consequence of a finding that the allowances and benefits were illegally disbursed is the consequent obligation on the part of all the recipients to restore said amounts to the government coffers,” ayon sa desisyon ng COA.
Ang nasabing ruling ay patunay ng patuloy na kampanya ng COA laban sa labis at hindi awtorisadong paggamit ng pondo ng gobyerno, lalo na sa mga benepisyong labag sa umiiral na mga patakaran sa kompensasyon ng mga empleyado ng pamahalaan.
