SUGATAN ang dalawang pulis ng Calamba City Police Station matapos ang engkuwentro laban sa grupo ng Most Wanted Person na si Regie Anque Abarquez, may kasong homicide, habang nasawi naman ang isang 4-anyos na bata na nadamay sa palitan ng putok bandang alas-11 ng umaga nitong Miyerkules.
Ayon sa imbestigasyon, biglang nagpaputok ng baril ang kasamahan ng akusado na si alias “Romar Awid,” dahilan para gumanti ng putok ang mga operatiba. Nasugatan sina PCMS Alberto Plaza at PSSg John Principe sa insidente.

Sa gitna ng barilan, tinamaan ng ligaw na bala ang batang biktima na agad nasawi, habang isang sibilyan na kinilalang si alias “Flor,” 52-anyos, ay nasugatan at dinala sa Calamba Doctors Hospital.
Napatay ng mga pulis ang gunman na si “Awid,” ngunit nakatakas ang ilang kasamahan nito.
Patuloy ang hot pursuit operation ng Calamba City Police at Laguna Police Provincial Office laban sa mga tumakas na suspek.
Nagpahayag ng pakikiramay si PBGen. Paul Kenneth T. Lucas, Regional Director ng PRO CALABARZON, sa pamilya ng batang nasawi at pinuri ang katapangan ng mga operatiba.
Inatasan din niya ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at maiwasan ang pag-ulit ng insidente. (KOI HIPOLITO)
