BILANG paghahanda sa pagdagsa ng mga biyahero ngayong Undas, inatasan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa lahat ng regional directors na simulan na ang inspeksyon sa mga bus at transport terminals sa buong bansa.
Ang kautusan ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero, ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II sa ilalim ng patnubay ni DOTr Secretary Giovanni Z. Lopez.
Pinatitiyak ni Mendoza sa mga bus companies at transport operators na maging malinis, maayos, at komportable ang mga terminal para sa publiko.
“Tapusin na natin ‘yung nakagawian na parang utang na loob pa ng mga pasahero na sumakay sa mga bus. Your passengers are your lifeline in business, respect them with clean, presentable and comfortable waiting areas,” diin ni Mendoza.
Dagdag pa niya, sisiguruhin ng LTFRB na ligtas ang lahat ng pampasaherong sasakyan, pati ang mga driver at konduktor, upang makauwi nang maayos at payapa ang mga biyahero.
Partikular niyang binigyang-diin ang kahalagahan ng malilinis at maayos na comfort rooms sa mga terminal.
“CRs must be functioning properly, well lighted and well ventilated at no cost or minimal cost to passengers,” aniya.
Kasama rin sa ipinag-utos ang pagkakaroon ng komportableng waiting areas at maayos na booking process para sa lahat ng pasahero.
“Nakikiusap din tayo sa mga bus companies na i-remind ang kanilang mga empleyado na huwag magsusungit sa mga pasahero. Titiyakin natin na susundin nila ito,” paalala pa ng chairman.
Ayon kay Mendoza, ang hakbang na ito ay hindi lamang tuwing Undas, Pasko o Semana Santa.
“Under our watch, this will be a regular thing. We will require random checking at least every month of the year,” sabi niya.
Upang matiyak ang pagsunod, magpapakalat ng mga “mystery passengers” ang LTFRB sa buong bansa simula Oktubre 24 upang personal na siyasatin ang kalagayan ng mga bus terminal at transport stations. (MINA PADERNA)
