
DIRETSAHANG sinabi ni dating Senador Gringo Honasan na tila nawawala na ang tiwala ng ibang bansa sa Pilipinas pagdating sa pagbibigay ng tulong o foreign aid dahil sa patuloy na isyu ng korapsyon sa gobyerno.
Sa panayam niya sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho, ibinahagi ni Honasan ang kanyang obserbasyon matapos ang naganap na lindol sa Cebu.
“’Di ba nanonood ’yung buong mundo? Hindi mo napansin, Jess? Naglindol sa Cebu, wala akong nabalitaan na may foreign aid na naman. Dati-rati sangkatutak na Red Cross na aid. Siguro ang nasa isip ng mga nanonood sa atin sa ibang bansa, ‘Eh magbibigay tayo ng tulong, kukurakutin lang ’yan eh.’ Nawawalan ng confidence,” saad ni Honasan.
Giit ng dating senador, ang epekto ng korapsyon ay hindi lamang sa kawalan ng tiwala ng taumbayan sa mga opisyal, kundi pati sa pagguho ng reputasyon ng bansa sa mata ng mundo.
Ang Pilipinas na dating isa sa mga unang tinutulungan tuwing may sakuna, ayon kay Honasan, ay ngayon tila tinitingnang may bahid ng pagdududa.
“Ang masakit,” ani Honasan, “kapag sinabing tutulong, una agad iniisip ng tao — kukurakutin.
”Babala pa niya, kung hindi maaayos ang ganitong imahe, mahihirapan ang bansa na makahikayat ng tulong at suporta mula sa mga banyagang organisasyon at pamahalaan sa oras ng mga sakuna o sa pagpapatupad ng mga pandaigdigang proyekto. (MINA PADERNA)
