Si LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II (Larawan mula sa LTFRB)
BILANG tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na paghusayin ang serbisyo ng pampublikong transportasyon, ipinag-utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) acting Secretary Giovanni Lopez, ang pagpapabilis ng pagresolba sa lahat ng mga petisyon at iba pang nakabinbing kaso sa ahensya.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, batay sa isinagawa niyang paunang assessment, tumatagal ng ilang buwan bago maresolba ang mga petisyon at iba pang kasong nakasampa sa ahensya, isang kalagayang matagal nang nakaaapekto sa kabuhayan ng mga operator at driver.
“Babaguhin na po natin yang ganyang sistema dahil kung hindi natin gagawin yan ngayon, kailan pa? At kelan pa uusad ang mga petition ninyo,” ani Mendoza sa isang pagpupulong kasama ang mga transport group.
Tiniyak din ni Mendoza na lahat ng nakabinbing usapin ay mareresolba bago matapos ang ikatlong linggo ng Nobyembre, kasabay ng pangakong wawakasan na sa LTFRB ang mga kasong tumatagal ng taon bago maresolba.
Giit ng chairman, ang hakbang na ito ay bahagi ng pagtugon sa utos ng Pangulo na pakinggan at tugunan ang hinaing ng sektor ng pampublikong transportasyon.
“‘Yung pagpapatagal ng mga petisyon minsan nagiging prone yan sa corruption eh. Kaya mas bibilisan natin para less human intervention at assurance of no corruption,” ani Mendoza.
Nanawagan din siya sa mga operator at driver na huwag makiayon sa anumang uri ng katiwalian sa loob ng ahensya.
“All I ask is huwag kayong maging enabler ng corruption. Kung magbibigay kayo, paano natin matatanggal yang maling sistemang yan?” dagdag pa niya.
Hiniling din ni Mendoza sa mga transport group na isumite ang listahan ng kanilang mga nakabinbing petisyon at pleadings upang mapabilis ang retrieval at pagresolba.
“Magtulungan tayo sa adhikain natin na maging maayos ang sistema sa LTFRB, dahil hindi lang mga operator at driver ang makikinabang dito, kundi pati ang milyun-milyong commuter sa buong bansa,” pagtatapos ni Mendoza. (MINA PADERNA)
