BILANG suporta sa adbokasiya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa digitalisasyon ng pamahalaan, isinusulong ngayon ang paggamit ng blockchain technology bilang mabisang sandata laban sa talamak na korapsyon, kasabay ng pagkakalantad ng mga iregularidad sa mga proyekto ng imprastruktura, kabilang ang mga maanomalyang flood control project na yumanig sa tiwala ng publiko sa pamahalaan.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum na pinangunahan ng beteranang mamamahayag na si Marichu Villanueva sa Café Adriatico sa Malate, Maynila, sinabi ni Jonathan Bocaling, president at CEO of Integra Nexus Inc,, na bagaman umuusad na ang administrasyong Marcos sa larangan ng digital transformation, hindi pa rin ganap na nakakamit ang tiwala ng publiko dahil sa patuloy na mga iregularidad sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
“Magkakahiwalay at hindi magkakaugnay ang mga sistema ng pamahalaan. Bawat ahensya ay may kanya-kanyang database kaya nagkakaroon ng mga puwang, overlap, at butas. Bilyong piso ang dumadaan sa mga sistemang ito araw-araw, ngunit hindi lahat ay nasusubaybayan at natitiyak kung saan talaga napupunta,” paliwanag ni Bocaling.
Bilang solusyon, iminungkahi ni Bocaling ang paggamit ng blockchain, isang uri ng digital ledger na hindi napapalitan, transparent, at ligtas, kung saan ang lahat ng datos ay maaaring makita ng publiko ngunit hindi puwedeng baguhin o manipulahin nang lihim.
Ayon sa kanya, ang blockchain ay isang recording system kung saan ang bawat transaction ay nakatala sa isang block na konektado sa iba pang blocks, kaya’t tinawag itong blockchain.
“Kapag naisara na ang block, hindi na ito pwedeng baguhin. Kaya ito tinatawag na immutable, hindi mapapalitan, hindi mabubura. Transparent at traceable din ito dahil nakikita ng lahat ng validators ang bawat galaw,” dagdag ni Bocaling.
Ibinahagi rin ni Bocaling na sa ilalim ng isang private permission blockchain, maaaring magsilbing validators o nodes ang mga ahensiya ng gobyerno tulad ng DPWH, COA, DBM, at maging Office of the President.
“Halimbawa, may kontratang P500 milyon para sa isang proyekto. Hindi ito agad mare-release hangga’t hindi validated ng lahat ng ahensya. Kung kulang ang dokumento o hindi pasok sa specs, hindi magpapatuloy ang kontrata,” aniya.
Sa ganitong paraan, hindi na umano makakasingit ang “under-the-table” na kasunduan o lagayan.
“Hindi kasi tao ang nag-a-approve, computer system na mismo. Walang pabor-pabor. Blockchain ensures transparency and fairness,” giit ni Bocaling.
Ipinaliwanag din ni Bocaling na mas magiging matatag ang sistema kapag pinagsama ang Artificial Intelligence (AI) at blockchain.
“Blockchain is the book, AI is the brain,” sabi niya.
“Habang blockchain ang nagre-record ng datos, ang AI naman ang nag-aanalisa kung may pandaraya, duplication, o kakulangan sa requirements.”
Ayon kay Bocaling, kapag ginamit ito sa fiscal management, taxation, education, at infrastructure projects, tiyak na mapapabilis at mapapatino ang sistema ng gobyerno.
Isinulong din ni Donald Lim, President ng Blockchain Council of the Philippines, ang ideya na maaaring gamitin ang blockchain para sa e-procurement, digital land titling, at budget monitoring, mga larangan kung saan laganap ang isyu ng katiwalian.
Sa huli, hinikayat ni Bocaling ang mga opisyal at pribadong sektor na magtulungan para maipatupad ang teknolohiyang ito.
“Kung walang puwang ang pandaraya, mas mabilis ang pag-asenso. Blockchain can build a government that’s truly for the people,” pagtatapos niya.
