SARILING pondo na ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang kanilang gagamitin para tuluyang matapos ang konstruksyon ng Concepcion Dos Super Health Center matapos mabigo ang Department of Health (DOH) na maglabas ng pondo para sa susunod na yugto ng proyekto.
“We have decided to proceed with the construction and completion of the facility using locally-sourced funds or our own LGU funds,” mababasa sa liham ng pamalaang lungsod na ipinadala kay DOH Secretary Teodoro Herbosa noong Oktubre 9, 2025.

Ayon kay Marikina Mayor Maan Teodoro, mahalagang maibigay agad sa mga residente ang serbisyong pangkalusugan kaya’t maglalaan ang lungsod ng P200 milyon mula sa 2026 budget nito.
“Dahil kailangan ng tao ang serbisyong medikal, kami na ang kusang nagdesisyon mag-allocate ng P200 million budget dito sa aming budget for 2026. The super health center will not just give basic health services, but also integrate an autism center for people with special needs,” pahayag ni Teodoro.
Nilinaw ng LGU na ilang ulit na silang nagsumite ng mga kahilingan at follow-up sa DOH para sa karagdagang pondo, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring tugon.
Noong 2024 pa nagsumite ng sulat ang Marikina LGU para humiling ng P180 milyon na karagdagang pondo para matapos ang apat-na-palapag na gusali ng Super Health Center, ngunit wala pa ring inilabas na pondo ang DOH.
Nagsimula ang Phase 1 ng proyekto noong 2023 at natapos noong 2024 sa halagang P21 milyon sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP), na sumaklaw lamang sa pundasyon at unang bahagi ng imprastraktura.
“To be clear, we have done our part as the local government to complete the first phase of the project in line with the budget provided by the DOH. Ang DOH ang may pagkukulang,” diin pa ng alkalde.
Ang Concepcion Dos Super Health Center ay nakatakdang magsilbing pangunahing health facility sa silangang bahagi ng lungsod, na may dagdag na pasilidad para sa mga may espesyal na pangangailangan na isang hakbang na tinuturing ng mga residente bilang patunay ng tunay na malasakit ng lokal na pamahalaan sa kalusugan ng bawat Marikeño.
