Matapos ang dikit na pagkatalo sa Perpetual Help, bumawi agad ang Arellano Chiefs sa pamamagitan ng isang dominanteng 92-65 panalo laban sa Lyceum Pirates nitong Martes, Oktubre 14, sa NCAA Season 101 men’s basketball tournament sa San Juan Arena.
Pinangunahan nina Renzo Abiera at T-Mc Ongotan ang opensa ng Chiefs upang itaas ang kanilang kartada sa 2-2, habang patuloy namang walang panalo (0-4) ang Pirates sa torneo.
“‘Pag pusong palaban, talagang Arellano ‘yan,” ani head coach Chico Manabat, na ipinagmalaki ang puso at determinasyon ng kanyang mga manlalaro.
“Maliit ‘yong lineup namin pero ‘yong puso, ‘yon ang magdadala. Alam din namin na tatakbo ang Lyceum kaya sinabayan namin ng small ball.”
Nagpasiklab si Abiera sa 16 puntos at anim na rebounds, habang nagtala si Ongotan ng double-double performance na may 13 puntos at 10 rebounds.
Sa panig ng Lyceum, John Barba pa rin ang nagbigay-liwanag sa dilim ng kanilang kampanya matapos umiskor ng 18 puntos at walong rebounds, ngunit hindi ito sapat upang mapigilan ang ika-apat na sunod nilang kabiguan.
Ang tagumpay ng Arellano ay nagpapakita ng muling pagbabalik ng kumpiyansa ng koponan matapos ang mabigat na laban kontra Perpetual Help, habang ang Lyceum naman ay patuloy na naghahanap ng unang panalo ngayong season. (RON TOLENTINO)
