Sa kabila ng lumalakas na panawagan para sa transparency sa imbestigasyon ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) kaugnay ng flood control scandal, nanindigan ang komisyon na mananatiling sarado sa publiko ang kanilang mga pagdinig.
Ayon kay former Public Works Secretary Rogelio Singson, miyembro ng ICI, kailangang isagawa ang imbestigasyon sa “closed-door” na paraan upang hindi maapektuhan ang proseso at ang ebidensiyang kanilang kinokolekta.
“Ang mandato ng ICI sa ilalim ng EO 94 ay mag-imbestiga. May nakita ka na bang police investigation na may kasamang media? Wala, di ba?” pahayag ni Singson sa panayam kay broadcaster Karen Davila.
“Kailangan naming makuha ang lahat ng impormasyon, sworn affidavits at exhibits na pirmado ng mga iniimbestigahan,” dagdag pa niya.
Tiniyak ni Singson na ang lahat ng imbestigasyon ng ICI ay maayos na nadodokumento at naitatala sa video recordings upang matiyak ang integridad ng mga resulta.
“Lahat ng proceedings ay naka-tape at video recorded. Pagkatapos nito, ipinapasa namin lahat sa Office of the Ombudsman na may kapangyarihang magsampa ng kaso o magpataw ng parusa,” ani Singson.
Dagdag pa niya, ginagawa ng ICI ang lahat upang mapabilis ngunit mapanuri ang proseso ng imbestigasyon at maiwasan ang pag-uulit ng parehong testimonya.
Kabilang sa mga kilalang personalidad na humarap na sa ICI ang dating DPWH Secretary at ngayo’y Senador Mark Villar, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Tumanggi si Singson na kumpirmahin kung may kapangyarihan ang ICI na magrekomenda ng mga testigo para sa Witness Protection Program (WPP) ng pamahalaan.
“Why should we do that? They were involved, so why should they become witnesses?” ani Singson.
Sa ilalim ng Republic Act 6981, maaaring mapabilang sa WPP ang sinumang may kaalaman o nakasaksi sa isang krimen, basta’t siya ay testigo sa isang judicial o investigating authority.
Gayunman, upang maging state witness, kailangang hindi siya ang “pinaka-guilty” sa mga sangkot. Kabilang sa mga binanggit na personalidad na posibleng makapag-apply bilang testigo ngunit maaaring hindi makakwalipika dahil sa antas ng pagkakasangkot ay sina mag-asawang Discaya (bilang private contractors), dating DPWH engineers Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza, pati na sina dating Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na tinaguriang “minion fugitive.”
