MULING binansagan ng United States State Department ang Bureau of Customs (BOC) bilang “pinaka-corrupt na ahensya” ng gobyerno sa kanilang 2025 Investment Climate Report, na nagsabing patuloy pa ring hadlang sa mga mamumuhunan ang talamak na lagayan, katiwalian, at kawalan ng transparency sa Pilipinas.
Ayon sa ulat na inilathala ng US State Department at binanggit ng Manila Times, nananatiling malabo at magulo ang regulasyon sa ilang sektor ng ekonomiya, na nagreresulta sa hindi pantay at pabagu-bagong pagpapatupad ng mga batas.
“Some US investors describe business registration, customs, and immigration processes as burdensome… Customs procedures can present challenges — with reports of inconsistent charges and solicitation of facilitation fees (bribes),” ayon sa ulat.
Tinukoy rin ng report na ang mga regulatory agencies sa bansa ay walang sapat na kalayaan at kadalasang nakadikit sa mga kagawaran o tanggapan ng Pangulo, dahilan kung bakit naaapektuhan ang patas na pagpapatupad ng mga patakaran.
Aminado naman si Customs Commissioner Ariel Nepomuceno sa mga obserbasyon ng US State Department ngunit iginiit na tinutugunan na ng ahensya ang mga isyung ito bago pa lumabas ang ulat.
“Naiintindihan namin ang mga concerns at may mga konkretong reporma na tayong ipinatutupad,” ayon kay Nepomuceno, na nagsabing bahagi ito ng kanyang unang 100 araw sa puwesto.
Kabilang sa mga repormang ipinatupad ng BOC ay ang mahigpit na “No Take Policy” na nagbabawal sa anumang uri ng lagay o ilegal na transaksiyon sa loob ng ahensya. Sinumang lalabag dito ay agad na sasailalim sa disiplinary action.
Noong Hulyo 2025, naglabas ng memorandum si Nepomuceno na nagbabawal sa mga opisyal at empleyado ng BOC na magkaroon ng negosyo o interes sa Customs Brokerage operations.
Inatasan din ang lahat ng kawani na ideklara ang mga kamag-anak na may kaugnayan sa brokerage firms upang mapanatili ang transparency at integridad sa mga transaksyon.
Sa kabila ng mga hakbang na ito, nananatiling hamon para sa BOC na maalis ang matagal nang impresyon ng publiko na ito ang pugad ng katiwalian sa gobyerno.
