ITINANGGI ni Vice President Sara Duterte ang mga alegasyong may koneksyon o impluwensiya siya kay Cavite Representative Kiko Barzaga, kasunod ng mga haka-hakang magkaugnay umano sila sa ilang isyung pampulitika.
Sa isang press conference, nilinaw ni Duterte na ang tanging ugnayan nila ni Barzaga ay nagsimula lamang noong kampanya sa ilalim ng UniTeam coalition noong 2022.
“Kilala ko siya because of the campaign in Cavite in 2022 dahil UniTeam siya; hindi ko pakawala si Kiko Barzaga,” pahayag ng Pangalawang Pangulo.
Binigyang-diin din ni Duterte na malaya at may sariling paninindigan si Barzaga, at hindi siya madaling maimpluwensiyahan ng sinuman.
“Sa tingin niyo ba sa personality ni Cong. Kiko Barzaga, isa siyang tao na ma-handle ng kahit na sinuman? Nakikita niyo naman ‘yung independence ng kaniyang pag-iisip,” dagdag pa niya.
Ang pahayag ng Bise Presidente ay kasunod ng mga ulat na ikinokonekta siya sa mga aksyon at posisyon ni Barzaga sa ilang isyung kinahaharap ng administrasyon.
