UMANI ng pansin ang matapang na pahayag ni veteran broadcaster Ramon Tulfo matapos niyang batikusin sa social media ang umano’y kawalang-galang ng ilang residente ng Manay, Davao Oriental sa pagbisita ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanilang bayan na tinamaan kamakailan ng malakas na lindol.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Tulfo na bilang taga-Manay, siya ay “nahihiya” sa inasal ng ilang kababayan na sa halip na magpakita ng pasasalamat sa Pangulo, ay sumigaw pa ng “Sara, Sara!” habang nasa lugar si Marcos.
“Hay, mahal kong Manay, di kita maintindihan! Ako’y taga-Manay, pero kinahihiya ko ang asal ninyo,” ani Tulfo sa kanyang post.
“Pumunta ang Pangulo sa ating bayan upang magpakita ng pagkalinga sa mga biktima ng lindol, pero di man lang kayo nagpasalamat. Sa halip, nagsigaw kayo ng ‘Sara, Sara!’”
Dagdag pa niya, dapat sana ay igalang ng mga taga-Manay ang posisyon ng Pangulo, kahit pa hindi nila ito gusto bilang tao.
“No matter how the people of Manay regard BBM, they should respect his position if they can’t respect his person,” dagdag pa ni Tulfo.
Hindi rin pinalampas ng beteranong mamamahayag ang aniya’y kakulangan ng “refinement” o disiplina ng ilan sa kanyang kababayan, dahilan umano kung bakit nananatiling third-class municipality ang Manay.
“Masakit man ay tanggapin natin na kulang pa tayo ng refinement. Kaya hanggang ngayon ay third class municipality pa rin ang Manay,” ani Tulfo.
Samantala, wala pang tugon mula sa lokal na pamahalaan ng Manay o sa kampo ni Vice President Sara Duterte hinggil sa isyung ito.
