IPINAUUBAYA ng Malacañang sa Department of Justice (DOJ) ang desisyon kung gagawing state witness si Leyte 1st District Representative Martin Romualdez sa nagpapatuloy na imbestigasyon kaugnay ng umano’y flood control scandal.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, ang DOJ lamang ang may kapangyarihang magtakda kung maituturing na state witness ang kongresista, matapos itong humarap bilang resource person sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) nitong Martes, Oktubre 14.
“Depende na po ’yan sa Department of Justice kung siya (Rep. Romualdez) ba ay maituturing na isang state witness,” pahayag ni Castro sa isang press briefing sa Palasyo.
Dagdag pa niya, wala pang kasiguraduhan sa ngayon at nakadepende pa sa magiging takbo ng imbestigasyon.
“Lahat po ‘yan ay depende sa mga mangyayari. Kaya hindi pa po natin masasabi kung siya ay puwedeng maging state witness o hindi,” paliwanag ng opisyal.
Patuloy ang imbestigasyon ng ICI sa mga anomalya sa flood control projects sa iba’t ibang panig ng bansa, kung saan ilan pang mambabatas at opisyal ng gobyerno ang ipinatatawag upang tumestigo.
