Larawan mula sa DSWD Northern Mindanao/FB
MATINDING amoy ng ihi at dumi ng tao ang bumungad sa mga social worker at pulis na nagtungo sa isang care facility sa Maramag, Bukidnon upang ipatupad ang suspension order ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Sabado, Oktubre 11.
Ayon kay Irene Dosol-Auxillo, information officer ng DSWD Protective Services Division, sinilbihan ng DSWD-Region X ang Bukidnon Multi-Sectoral Services Foundation Incorporated (BUMSSEFI) ng suspension order dahil sa illegal na operasyon ng care facility para sa mga nakatatanda at persons with disabilities (PWDs) sa Barangay Poblacion, Maramag.
Sa operasyon, labimpitong (17) senior citizens at PWDs ang nasagip matapos madiskubreng nakatira sa maduming at delikadong kondisyon.

“Sobrang baho. Kailangan naming takpan ang aming mga ilong,” ayon kay Auxillo.
Natuklasan ng mga awtoridad na madudumi ang mga palikuran, at sa ilang kuwarto, magkatabi na ang kama at inidoro sa masikip at maruming espasyo.
Ayon pa sa DSWD, naniningil umano ang BUMSSEFI ng P6,000 hanggang P7,000 bawat buwan sa mga residente para sa tirahan at serbisyo, kahit wala itong certificate of registration at license to operate.
Batay sa ulat ng ahensya, ilan sa mga paglabag ng BUMSSEFI ay ang kawalan ng maayos na kalinisan sa mga silid at palikuran; hindi pagsunod sa occupational safety standards; at kakulangan ng kwalipikadong tauhan para alagaan ang mga residente.

Dagdag ni Auxillo, dalawang beses nang binalaan ng DSWD ang nasabing foundation na huwag magpatuloy sa operasyon, ngunit nagmatigas ito at patuloy na tumanggap ng mga kliyente.
Binigyan ng DSWD ng 30 araw ang BUMSSEFI upang magsumite ng mga kinakailangang dokumento at ayusin ang kanilang permit kung nais nilang magpatuloy bilang lehitimong care facility. (LIMUEL TOLENTINO)
