TINANGGAL ng mga appeals judge ng International Criminal Court (ICC) si Chief Prosecutor Karim Khan sa kaso ng war crimes laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa posibleng conflict of interest, ayon sa dokumentong nakuha ng Reuters.
Matatandaang si Khan ay naka-administrative leave noon pang Mayo 2025 habang iniimbestigahan ng United Nations ang umano’y kasong sexual misconduct laban sa kanya.
Base sa ulat, ipinag-utos ng ICC Appeals Chamber noong Oktubre 2 na tanggalin si Khan sa Duterte case dahil maaari umanong magmukhang bias o may kinikilingan ito kaugnay ng kanyang dating papel bilang kinatawan ng Philippines Human Rights Commission (PHRC).
Ayon sa depensa ni Duterte, hindi na dapat nakialam si Khan sa kaso dahil siya mismo ang tumulong sa PHRC sa paghingi ng imbestigasyon laban kay Duterte kaugnay ng war on drugs, kaya’t imposible raw para sa kanya na maging patas.
Tinangka ni Khan na ipawalang-bisa ang mosyon ng depensa, sinasabing walang conflict of interest sa kanyang dating papel bilang abogado ng PHRC at ng ilang biktima. Gayunman, hindi ito pinanigan ng mga hukom.
“Khan might appear to be biased due to his previous role,” nakasaad sa desisyon na hindi pa inilalabas sa publiko.
Wala pang tugon ang tanggapan ng ICC Prosecutor hinggil sa naturang ruling.
Si Duterte, na nagsilbi bilang Pangulo ng Pilipinas mula 2016 hanggang 2022, ay naaresto noong Marso at dinala sa The Hague base sa warrant of arrest na iniuugnay sa kanya sa mga pagpatay sa ilalim ng kampanya kontra-droga, kung saan libo-libong pinaghihinalaang tulak at gumagamit ng droga ang napatay.
Mariing itinanggi ni Duterte ang mga paratang at iginiit na labag sa batas at katumbas ng “kidnapping” ang kanyang pagkakaaresto.
Sa ngayon, hawak ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang ang kaso, bagaman siya rin ay pinatawan ng U.S. sanctions dahil sa imbestigasyon ng ICC sa mga umano’y war crimes ng Israel sa Gaza.
Matatandaang nitong Agosto, inatasan din ng ICC si Khan na umatras sa imbestigasyon sa Venezuela matapos lumabas na ang kanyang bayaw ay abogado ng gobyerno ni President Nicolas Maduro, na itinuturing ding conflict of interest.Itinanggi naman ng mga abogado ni Khan ang lahat ng alegasyong may kinalaman sa umano’y sexual misconduct laban sa kanya. (LIMUEL TOLENTINO)
