Nakipagpulong si Education Secretary Sonny Angara kay DOST Secretary Renato Solidum Jr. upang palakasin ang koordinasyon ng DepEd at PHIVOLCS sa paggamit ng siyentipikong impormasyon para sa mas epektibong paghahanda at pagtugon sa mga sakuna. Layunin ng pagtutulungan na ito na mapalaganap ang kultura ng kahandaan — kung saan ang bawat desisyon ay batay sa datos, ligtas ang mga paaralan, at tuloy ang pag-aaral kahit sa gitna ng kalamidad. (Larawan mula sa DepEd)
PINALAKAS ng Department of Education (DepEd) ang pakikipag-ugnayan nito sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) upang matiyak na ang mga desisyon sa pagsuspinde ng klase ay nakabatay sa siyentipikong datos, lokal na risk assessment, at pamantayan ng kaligtasan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layon ng kasunduan na mapanatili ang balanse sa pagitan ng kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani at ng layunin ng kagawaran na maipagpatuloy ang edukasyon kahit sa gitna ng mga sakuna at emergency.
“Sa usapin ng kalamidad, bukod sa maagap, dapat eksakto rin ang kilos. Kaya mahalaga ang pakikipag-ugnayan sa PHIVOLCS para ang bawat desisyon, mula sa pagsuspinde ng klase hanggang sa pagpapatuloy ng pag-aaral, ay nakabatay sa siyensya at hindi sa pangamba,” pahayag ni Angara.
Dagdag pa ni Angara, matapos niyang personal na makita ang pinsala ng lindol sa Cebu at Davao Oriental, mas napatunayan umano niya ang kahalagahan ng tamang datos at koordinasyon sa pagdedesisyon.
Kasama sa mga napag-usapan ng DepEd at PHIVOLCS ang pagtiyak na ang mga paaralang nasa malapit sa fault lines ay “over-engineered” o sapat na matibay upang makayanan ang malalakas na lindol.
Iminungkahi rin ng DepEd ang pagtatatag ng DepEd Command Center na makikipag-ugnayan sa PHIVOLCS bilang monitoring hub para sa disaster response at early warning. Sa pamamagitan nito, inaasahang magiging mas mabilis at koordinado ang pagtugon ng mga paaralan sa panahon ng sakuna.
Plano ring sanayin ang mga tauhan ng DepEd sa paggamit ng checklist-based procedures na magti-trigger ng automatic alerts kapag naabot ang tiyak na safety conditions.
Kasabay nito, nangako ang DepEd at PHIVOLCS na palalakasin ang pagpapalabas ng science-based advisories at impormasyon upang maiwasan ang maling balita at mapanatili ang tiwala ng publiko.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 22, s. 2024, ang kapangyarihan sa pagsuspinde ng klase ay nasa Local Chief Executive, Schools Division Superintendent, at school heads, batay sa advisories ng PHIVOLCS, kalagayan sa field, at kahandaan ng paaralan na muling magbukas.
Ipinaalala rin ng DepEd ang DepEd Order No. 21, s. 2015, na nag-aatas sa mga regional office na bantayan ang prevention, mitigation, at preparedness measures upang masiguro ang pagpapatuloy ng pag-aaral kahit apektado ng kalamidad ang mga paaralan.
Giit ng kagawaran, ang mga preventive suspension ay dapat sabayan ng learning continuity plans gaya ng modular, online, o take-home learning habang isinasagawa ang safety inspection ng mga paaralan.
