PATAY ang isang babaeng security guard habang sugatan naman ang kanyang kasamahan makaraang bumangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa isang jeep sa Marcos Highway, Barangay Santolan, Pasig City, nitong madaling araw ng Martes, Oktubre 14.
Kinilala ang nasawing biktima na si Ilyn Sabarillo Rejuso, 36-anyos, residente ng Tondo, Maynila. Sugatan naman ang driver ng motorsiklo na si Roderick de Juan de Jose, 42-anyos, kapwa security guard, at residente ng Taguig City.
Ayon sa ulat ng Pasig City Police Station, parehong tinatahak ng dalawang sasakyan ang westbound lane ng Marcos Highway bandang alas-4:45 ng madaling-araw nang biglang lumiko pakaliwa sa U-turn slot ang jeepney (Plate No. TVT195) na minamaneho ni Dante Janer y Jalmasco, 33 anyos, residente ng Brgy. Santolan.
Sa lakas ng impact, tumilapon nang halos 30 metro ang magkaangkas sa motorsiklo.
Agad rumesponde ang Pasig Emergency Unit at idineklarang dead on the spot si Rejuso ng attending physician na si Dr. Emmanuel Torres, habang si De Jose ay isinugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina at kasalukuyang inoobserbahan.
Arestado naman sa lugar ng insidente si Jalmasco ng rumespondeng pulis na si Pat Jay-Ar B. Sarmiento ng Sub-Station 8.
Nahaharap si Jalmasco sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Physical Injury, and Damage to Property. (ARNOLD PAJARON JR)
