Photo: UAAP/FB
Matapos ang masakit na simula sa UAAP Season 88, natutunan ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons ang aral ng kanilang pagkadapa at muling bumangon, kumamada ng ika-apat na sunod na panalo sa pamamagitan ng dikitang 69-66 panalo laban sa Far Eastern University (FEU) Tamaraws nitong Linggo, Oktubre 12, sa UST Quadricentennial Pavilion sa Maynila.
Matapos ang dalawang sunod na talo sa pagbubukas ng season, ginamit ng defending champions ang karanasang iyon bilang motibasyon sa kanilang pag-angat. Sa ngayon, muling lumalakas ang kumpiyansa ng State U sa gitna ng kanilang paghahabol sa two-peat championship run.
“Malayo pa kami sa pinakamaganda naming porma. Pero unti-unti naming binubuo ito. Lagi ngang binibigyang-diin ni Coach Gold (Monteverde) na mas mahalaga na bawat laro at bawat ensayo, may progreso,” ani UP assistant coach Christian Luanzon.
“Makikita mo naman, hindi lang sa mga laro kundi pati sa practices — may improvement talaga. Kailangan lang naming ituloy ito habang papalapit na sa pagtatapos ng first round,” dagdag pa niya.
Susunod na haharapin ng Fighting Maroons ang kanilang finals rival noong nakaraang taon — ang De La Salle University (DLSU) Green Archers — sa isang mainit na rematch sa darating na Linggo, Oktubre 19, sa Smart Araneta Coliseum.
“Magandang bagay na may isang linggo kaming pahinga at panahon para maghanda at mag-scout. Pero syempre, hindi namin pwedeng balewalain na kalaban namin ang karibal na team — yung nakaharap namin sa finals,” wika ni Luanzon.
Patuloy namang nagpapakitang-gilas ang 6-foot-7 forward na si Gani Stevens, na inaasahang magiging malaking bahagi ng depensa at opensa ng UP kontra sa La Salle big man na si Mike Phillips.
“Alam nating malakas ang lineup ng La Salle — sina Pablo at Phillips. Pero dadalhin ko sa laro ang lakas ng loob, enerhiya, at physicality,” ani Stevens.
“Medyo undersized ako, pero binabawi ko sa sipag at tiwala sa sistema at sa mga kakampi ko. Alam kong magbubunga ito ng maganda,” dagdag pa niya.
Sa kabila ng kanilang winning streak, nananatiling kalmado ang UP, bitbit ang layuning makamit muli ang kampeonato — ngunit sa paraang mas disiplinado, mas matatag, at mas determinado. (RON TOLENTINO)
