TIKLO ang sampung kalalakihan, kabilang ang apat hinihinalang sangkot sa ilegal na droga nang mahuli sa akto ng pulisya na nagsusugal sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Sa kanyang report kay Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento, sinabi ni P/MSgt Carlito Nerit Jr. na alas-12:30 ng tanghali nang maaktuhan ng mga tauhan ng Gen T De Leon Police Sub-Station 2 ang dalawang lalaki na naglalaro ng ‘cara y cruz’ harap ng Serapio Elementary School sa Brgy. Gen T. De Leon.
Nakumpiska sa kanila ang bet money at tatlong peson-coins ‘pangara’ habang ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ay nakuha kay alyas “Bert”, 48.
Huli din sa akto ng mga tauhan ng Bignay Police Sub-Station 7 ang tatlong kelot na nagsusugal ng ‘cara y cruz sa Casa Rival, Northville 1, Brgy. Bignay dakong alas-9:00 ng umaga at nasamsam sa kanila ang bet money, tatlong peso-coins ‘pangara’ at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakumpiska kay alyas “Menar”, 35.
Bandang alas-9:45 ng umaga nang madakip naman ng mga tauhan ng Malinta Police Sub-Station 4 ang tatlong indibidwal habang nagsusugal din ng ‘cara y cruz’ sa bakanteng lote sa Area 5, Pinalagad, Brgy., Malinta. Nakuha sa kanila ang bet money, tatlong peso-coins ‘pangara’ at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nasamsam kay alyas “Pat”.
Sa Brgy. Paso De Blas, naaktuhan din ng mga tauhan ni Police Sub-Station 1 Commander P/Capt. Michael Oxina ang dalawang kelot na nagsusugal ng baraha sa Jasmin Street dakong alas-10:45 ng gabi. Nakumpiska sa kanila ang bet money, baraha at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakuha kay alyas “Ger”.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 habang karagdagan pa na kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin ng apat sa kanila. (JUVY LUCERO)
