NASAWI ang apat na katao, kabilang ang drayber ng trak, habang isa ang nasa malubhang kalagayan matapos araruhin ng isang 10-wheeler truck ang tatlong bahay at labing-isang sasakyang nakaparada nang mawalan ito ng preno sa palusong na bahagi ng Maharlika Highway, Purok Maulawin, Barangay Isabang, Lucena City, Quezon nitong Sabado ng gabi, Oktubre 11, 2025.
Ayon sa ulat ng Lucena City Police Station, minamaneho ni alyas “William,” 34 anyos, tubong Cainta, Rizal, ang trak na may plakang CXU 213, lulan ang mga sako ng pataba (fertilizer), at nagmula sa bayan ng Sariaya patungong Lucena nang mawalan umano ng preno sa pababang bahagi ng kalsada.
Dahil dito, nawalan ng kontrol sa manibela si William at sumampa sa bangketa ang trak, inararo ang mga nakaparadang sasakyan at nadamay din ang tatlong bahay sa gilid ng kalsada.
Una nitong nasalpok ang isang tricycle na may sakay na pasahero. Dead on the spot sina alyas “Sherwin,” 41 anyos, drayber ng tricycle, at si alyas “Roldan,” 37 anyos, pasahero. Nasawi rin si alyas “Mark,” matapos madaganan ng bahagi ng kanilang bahay.
Binawian din ng buhay ang drayber ng trak na si William habang nilalapatan ng lunas sa ospital. Samantala, isang ginang ang patuloy na inoobserbahan sa Intensive Care Unit (ICU) matapos magtamo ng malubhang sugat sa loob ng kanilang bahay.
Siyam na kabataang bisita ng isang kaarawan sa ikatlong bahay ang nagtamo naman ng minor injuries. Nahirapan din ang mga rescuer na maiahon ang katawan ni Mark dahil sa gumuhong pader ng kanilang bahay, natagpuan ito bandang alas-siyete ng umaga kinabukasan.
Kabilang sa mga wasak na sasakyan ang isang Toyota Hilux (ABA 8301), service vehicle ng Brigada News FM Lucena.
Sa kabila ng pinsala, nakaligtas naman ang isang asong nakatali sa tabi ng tumaob na trak.
Ayon kay P/Lt. Col. Ryan Hernandez, hepe ng Lucena City PNP, bagaman patay na ang drayber, patuloy pa rin ang imbestigasyon upang alamin ang tunay na sanhi ng aksidente at kung may pananagutan ang kumpanya o may-ari ng trak. (KOI HIPOLITO)
