INILUNSAD ng transport group na Samahang Manibela, Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) ngayong araw ang kanilang tatlong araw na transport strike sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Layon ng kilos-protesta na ipanawagan ang pagtigil sa umano’y mahigpit na panghuhuli ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) laban sa mga traditional jeepney drivers.
Ayon sa Manibela, kahit kumpleto ang mga dokumento ng mga tsuper, hinuhuli pa rin umano ng SAICT at binibigyan ng citation ticket.
Ikinadismaya rin ng grupo ang sobrang taas ng multa na ipinapataw sa mga PUV drivers at operators.
Mariing tinututulan ng Manibela ang Public Transport Modernization Program (PTMP) ng pamahalaan na naglalayong palitan ang mga lumang jeepney ng mga modernong unit na may Euro 4-compliant engine.
Ang bawat modernong jeepney ay nagkakahalaga ng mahigit P2 milyon na tinukoy ng LandBank at DBP na labis na mabigat para sa mga maliliit na tsuper at operator.
Isa rin sa mga batayang hakbang ng programa ang pag-consolidate ng mga indibidwal na prangkisa sa ilalim ng mga kooperatiba o korporasyon. Ang mga hindi makakasama sa konsolidasyon ay itinuturing na colorum.
Sa kabila ng welga, marami pa ring bus, jeepney, e-jeepney, at taxi ang bumibiyahe para maserbisyuhan ang mga pasahero. (ART TORRES)
