PATULOY sa pag-arangkada ang multi-million operation ng mga sindikato sa likod ng talamak na nakawan ng langis o ‘paihi’ sa mga lalawigan ng Batangas, Quezon at Cavite.
Sinabi ng mga bubwit ng BERDUGO, isang alyas EMERSON, hari ng paihi sa Batangas, ang gumagalaw ngayon sa Batangas City at San Pascual, gamit ang kanyang mga galamay na tumitira ng mga nakaw na langis.
Ganoon din umano ang paihi ng isang alyas NEP sa bayan ng Taal, na sinasabing kasosyo ng isang retarded este retiradong pulis. Hindi rin papakabog ang paihi nina alyas MEDIC at EGAY sa Barangay Laguelle, Taal; habang sa Tuy, Batangas ay kay alyas Manny.
Wala rin sumisita na mga awtoridad sa paihi ng VIOLAGO GROUP sa Brgy. Bancal, Carmona Cavite.
Lagareng-lagare naman ang paihi ng magkasosyong SAMMY at ALFRED sa Barangay, San Luis, Guinayangan, Quezon.
Ayon sa mga bubwit ng BERDUGO, nagtataka sila kung bakit pinababayaan at nagbubulag-bulagan ang mga tauhan ng PNP sa Batangas, Cavite at Quezon, mga ahente ng NBI at mga buronggoy na kawatan diyan sa nasabing mga lalawigan, samantalang putok na putok ang nakawan ng langis sa kanilang nasasakupan.
Sabi pa ng mga bubwit ng BERDUGO, matagal na ang operasyon ng paihi sa Batangas, Cavite at Quezon at ang laking ganansiya ang napapakinabangan ng mga awtoridad na pumapatong sa nakawan ng oil smuggling.
Paliwanag pa ng mga bubwit na urot, multi-million pesos ang operasyon ng paihi kaya hindi ito magalaw-galaw o hinuhuli ng mga awtoridad.
Bakit?
Sa magkanong dahilan?! Araykupo!
Sabi ng mga bubwit ng BERDUGO, ang CIDG ang naglakas ng loob na bumanat sa paihi sa Batangas kaya naman sangkaterba ang nabulabog sa ginawa ng kanilang mga ahente. Take note, PMGen Robert A Morico II, Acting Director ng CIDG, Your Honor!
Ayon sa mga bubwit ng BERDUGO, nahuli ng CIDG-Batangas noong Miyerkules ng gabi ang tatlong lalaki sa isang gasolinahan sa Barangay Balagtas sa Batangas dahil sa umano’y illegal na pagbebenta at distribusyon ng produktong petrolyo.
Nasamsam mula sa kanila ang dalawang fuel tanker na may lamang 26,000 litro ng diesel, 10,000 litro ng unleaded at 4,000 litro ng premium fuel na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P9.14 milyon.
Ayon sa mga bubwit ng BERDUGO, million of pesos ang nawawala sa gobyerno dahil sa smuggling ng langis na hindi nabubuwisan.
Kaya dapat lang kalampagin o sibakin ang mga pumapatong todits,’ sabi ng bubwit na urot.
Naresolba na ba ang sunod-sunod na kaso ng patayan sa Batangas, Cavite at Quezon, PRO 4A Regional Director PBGEN Paul Kenneth T Lucas?
O busy ang mga bata mo riyan sa Batangas, Cavite at Quezon sa kahihintay sa mga parating ng mga paihi kings?
Kilos-kilos din po ‘pag may time.
Abangan…
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com.
