QUEZON CITY — Pormal na hiniling ng House Committee on Public Accounts sa Commission on Audit (COA) ang agarang pagsasagawa ng masusing fraud audit kaugnay ng umano’y iregular na paggamit ng P6.4 bilyong pondo mula sa 2024 Local Government Support Fund (LGSF) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa ilalim ng pamumuno noon ni dating Chief Minister Ahod B. Ebrahim.
Ayon sa komite, ang naturang kaso ay nangangailangan ng isang “specialized forensic investigation beyond standard audit procedures,” dahil posibleng may kinalaman ito sa pandarambong, graft, at malversation of public funds na maaaring isampa laban sa mga dating opisyal ng rehiyon.
Batay sa Committee Report No. 1502, lumabas sa mga isinagawang pagdinig na mayroong “systematic scheme to redirect public funds” sa panahon ni Ebrahim, na noo’y nagsisilbi ring Presidente ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP).
Hinimok ng komite ang COA na busisiin ang umano’y mahigit P1.5 bilyong disbursement kada buwan na inilabas sa apat na buwang panahon bago ang nakatakdang unang BARMM Parliamentary Elections na orihinal na itinakda para sa Mayo 2025.
Ipinunto ng komite na ang mga alegasyong ito ay nagpapakita ng posibleng political favoritism at financial kickbacks, kaya’t kailangan ang specialized forensic capabilities ng COA upang matukoy ang buong lawak ng anomalya.
Sa ulat ng komite, lumitaw na may malawakang operasyon na naglalayong waldasin ang kaban ng bayan para sa personal at pampulitikang interes.
Batay sa testimonya ng ilang lokal na opisyal, may mga LGU at barangay na tumanggap ng milyun-milyong piso para sa mga proyektong hindi naman nila hiningi, habang ang ilan ay pinilit umanong isoli ang pondo sa pamamagitan ng tinatawag na “return-to-sender” arrangement matapos maantala ang halalan.
Samantala, may mga oposisyon na LGUs na hindi nakatanggap ng pondo, habang ang ilang barangay naman ay binigyan umano ng hanggang P25 milyon.
Ayon sa House Committee, kailangang ilantad ng COA ang buong katotohanan upang masigurong mapanagot ang mga nasa likod ng umano’y katiwalian at maprotektahan ang integridad ng pondo ng BARMM. (MINA PADERNA)
