Nagsagawa ng kilos-protesta ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa harap ng National Housing Authority (NHA) upang ipanawagan ang abot-kayang pabahay para sa mahihirap.
Ayon sa grupo, sa kabila ng paulit-ulit na pangako ng gobyerno para sa “inclusive housing,” libo-libong urban poor families pa rin ang nakatira sa mga delikado at mapanganib na lugar, habang malalaking land developer naman ang patuloy na kumikita sa mga proyektong pang-imprastruktura at pag-aagawan ng lupa.
“Dapat ang pondo ng gobyerno ay nakatuon sa pabahay para sa masa — abot-kaya at malapit sa transportasyon at serbisyo,” pahayag ni Kadamay Secretary General Ka Mimi Doringo.
Bukod sa panawagan ng pabahay, hiniling din ng grupo ang pagwawakas ng korapsyon sa mga bilyon-bilyong pondo na anila’y nasasayang sa mga flood control at relocation projects na hindi naman napapakinabangan ng mga maralita.
Nagbabala rin ang Kadamay na muling maglulunsad sila ng kilos-protesta sa Oktubre 10, kasabay ng pagdiriwang ng World Homeless Day, na idadaos sa Mendiola upang ipanawagan muli ang karapatan ng bawat Pilipino sa disenteng tirahan at makataong pamumuhay. (ART TORRES)

