Pormal na lumagda ng Memorandum of Understanding (MOU) ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) at British Embassy Manila (BEM) upang palakasin ang mga reporma sa regulasyon at isulong ang mas magaan na pagnenegosyo sa bansa.
Idinaos ang seremonya nitong Martes, Setyembre 30, sa Makati Diamond Residences.
Layon ng kasunduan ang pagpapalakas ng teknikal na kooperasyon sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng United Kingdom, partikular sa pagpapahusay ng regulatory quality, pagpapasimple ng proseso, at pagsuporta sa Bagong Pilipinas vision.
Ayon kay ARTA Secretary Ernesto Perez, nagsimula pa ang pakikipag-ugnayan sa British government noong 2019 kasabay ng pagkakatatag ng ARTA, kung saan ibinahagi ng UK ang kanilang mga best practices.
Binanggit niya ang paggamit ng Yearly Impact Book sa regulatory assessment ng mandato ng ARTA at idiniin na isa sa mga pangunahing isyu ng Management Association of the Philippines (MAP) ay ang ease of doing business.
“Hindi tayo magkakamali sa buong suporta ng isang advanced country tulad ng United Kingdom,” ani Perez, at idinagdag na higit pa sa mga numero, mahalaga ang mensahe na seryoso ang ARTA sa pagpapatupad ng mga reporma.
Kabilang sa tinukoy niyang prayoridad ang sektor ng telekomunikasyon at semiconductor, na aniya’y isasailalim sa streamlining at digitalization sa pakikipagtulungan ng British government.
Binanggit din niya na kung maipapasa ang panukalang batas sa 20th Congress, magkakaroon ng subpoena powers ang ARTA upang mas mapuksa ang katiwalian, kalakip ang dagdag na pondo para sa ahensya.
Samantala, binigyang-diin ni BEM Chargé d’Affaires Michael Edward Welch na ang ease of doing business ay isang mahalagang tagapaghatid ng paglago.
“Tiwala akong sa tulong na ito, mas mapapalakas natin ang regulatory reforms,” wika ni Welch, na binigyang-diin din ang transparency at accountability bilang mga sukatan na naaayon sa internasyonal na pamantayan.
Nagpahayag din ng suporta sa nasabing kasunduan ang British Chamber of Commerce in the Philippines at Department of Finance, bilang pagkilala sa layunin nitong mas mapabilis ang mga proseso ng pamahalaan at mapalakas ang kumpetisyon at paglago ng ekonomiya.
