IGINIIT ni Mayor Vico Sotto na nananatiling mataas ang tiwala ng mga residente sa lokal na pamahalaan ng Pasig dahil sa pagsasagawa nito ng mga proyekto na bukas at inklusibo.
Ito’y sa kabila ng pangkaraniwang pagdududa ng publiko tuwing may malalaking imprastraktura na itinatayo ng gobyerno.
Sa isang public consultation noong Linggo, Setyembre 28, sa Barangay Ugong, Purok 2, ipinrisinta ni Sotto ang planong pagtatayo ng multipurpose building na may bagong health center at covered court.
Ayon sa alkalde, hindi lamang simpleng pagkukumpuni ang kanyang layunin kundi ang pagbibigay ng pasilidad na tunay na kailangan ng komunidad.
“Kapag may nakita kang malaking infrastructure, aminin natin o hindi, minsan hindi maganda ang tingin ng tao sa gobyerno,” ani Sotto.
“Pero dito sa Pasig, nakikita natin na nagtitiwala ang mga tao, at iyon ay dahil sa transparency at inclusivity.”
Paliwanag niya, bago pa man umabot sa bidding process, isinasapubliko na ng lungsod ang plano at pondo, at binibigyang-daan ang mga residente na magtanong at magbigay ng opinyon. Sa ganitong paraan, nagiging katuwang ang mamamayan sa pagbabantay ng proyekto at ng paggamit ng pondo.
Bilang halimbawa, tinukoy ni Sotto ang New Pasig City Hall Project, na isa sa pinakamalaking proyekto ng lungsod.
“Alam ng tao na napupunta sa tama ang pondo nila dahil bukas ang proseso, mula sa plano hanggang sa implementasyon,” aniya.
Bago pa man magsimula ang konstruksyon, ibinubunyag na ng lokal na pamahalaan ang Bill of Quantities, isang bagay na bihirang gawin ng gobyerno.
Bagama’t inamin niyang hindi ganap ang tiwala ng lahat dahil sa personal o politikal na bias, ipinagmalaki ni Sotto na nananatiling mataas ang kumpiyansa ng Pasigueños sa pamahalaan dahil sa malinaw na paninindigan nito para sa transparency at inclusivity.
