LAGUNA – Nadiskubre ni Laguna Governor Sol Aragones ang maruming kusina at matagal nang suliranin sa pagbaha sa San Pedro District Hospital, na umano’y umaabot pa hanggang baywang kapag malakas ang ulan.
Ayon sa Gobernadora, mahigit sampung taon nang problema ng ospital ang pagbaha na dulot ng drainage system na inilagay ngunit hindi gumagana nang maayos.
“Hindi puwede na ganito na lang palagi. Dapat bigyan ng solusyon para sa kapakanan ng mga pasyente at empleyado,” pahayag ni Aragones.
Dagdag pa niya, agad niyang ipapapunta ang mga kinauukulang ahensya upang masuri at mapag-aralan ang konkretong solusyon sa matagal nang problema.
Kabilang sa mga tinitingnang hakbang ang pagpapagawa o pagsasaayos ng drainage system upang matuldukan ang pagbaha at mapabuti ang kalagayan ng ospital.
Tiniyak ng Gobernadora na hindi niya hahayaan na manatiling nakabinbin ang usaping ito, lalo’t kalusugan at kaligtasan ng mga pasyente ang nakataya. (MINA PADERNA)
