NAGLABAS ng desisyon ang Commission on Elections (COMELEC) kaugnay ng ilang election cases na may kinalaman sa kandidatura ng mga tumatakbo para sa 2025 National and Local Elections.
Batay sa inilabas na Case Updates noong Setyembre 29, 2025, idineklarang perpetually disqualified to hold public office si Mario Pacursa Marcos, kumandidatong miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Albay, matapos mabigong magsumite ng kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) noong 2013 at 2016 elections. Siya ay pinagmulta rin ng P20,000 para sa unang paglabag at P40,000 para sa ikalawa.
Sa Cebu, kinansela ng COMELEC ang kandidatura ni Thaddeus “DJ” C. Durano Jr., na kumandidatong alkalde ng Sogod, matapos aprubahan ang petisyon laban sa kanya.
Idineklarang disqualified si Lota Lazarte Manalo, kandidato sa pagka-alkalde ng Lobo, Batangas, bunsod ng naunang pasya ng Ombudsman na nagpatalsik sa kanya mula sa serbisyo publiko na may kaakibat na permanenteng disqualification.
Gayundin, tinanggalan ng karapatang kumandidato si Jeminiano P. Abergas, kilala rin bilang Jimmy, na tumakbong alkalde ng San Leonardo, Nueva Ecija, matapos pagtibayin ng COMELEC Second Division ang Ombudsman ruling na nagpatalsik sa kanya sa serbisyo.
Samantala, ibinasura ang petisyon laban kay Lenin Benwaren, na kumandidato bilang alkalde ng Tineg, Abra, matapos mapatunayang walang material misrepresentation sa kanyang certificate of candidacy at hindi siya maituturing na fugitive of justice.
Binigyang-diin ng COMELEC na ang mga desisyong ito ay bahagi ng kanilang mandato na tiyakin ang integridad ng halalan at alisin sa listahan ang mga kandidatong hindi kwalipikado sa ilalim ng batas. (MINA PADERNA)
