KINUWESITYON ni Vice President Sara Duterte ang kakayahan ng International Criminal Court (ICC) na tiyakin ang kaligtasan at kalusugan ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, matapos umano itong matagpuang walang malay sa loob ng kanyang silid sa ICC Detention Center sa The Hague, Netherlands.
Sa isang pahayag nitong Sabado (Sept. 27), sinabi ng Bise Presidente na nakatanggap ang kanilang pamilya ng “credible information” mula sa ospital na isinailalim si Duterte sa laboratory tests matapos itong bumagsak at mawalan ng malay.
Tinuligsa rin niya ang ICC dahil hindi raw ipinaalam sa pamilya ang naturang insidente at tanging mga opisyal ng Philippine Embassy lamang ang pinayagang magsagawa ng welfare check.
“These alarming developments raise grave concerns about the capacity of the ICC to guarantee the security and safety of FPRRD,” ani VP Sara, na idiniin ding bigo ang korte na magbigay ng kahit simpleng atensyong medikal.
Duterte ay nakakulong sa ICC mula pa noong Marso matapos bumalik mula Hong Kong, at nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng umano’y extrajudicial killings sa war on drugs mula 2013 hanggang 2018.
Kaugnay nito, nananawagan ang kampo ng dating pangulo para sa pansamantalang paglaya dahil umano sa lumalalang kondisyon ng kalusugan ni Duterte, kabilang ang cognitive deterioration.
Para kay VP Sara, ang patuloy na pagkakakulong ng kanyang ama ay malinaw na “cruelty.”
“FPRRD is not a flight risk, has never threatened witnesses or complainants, and has no intent to assume any office. The ICC should act now to rectify this gross injustice,” giit niya.
