Binalewala ni dating Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor ang kuwestyonableng notarization ng sinumpaang affidavit ni dating Marine Sgt. Orly Guteza, na nagsiwalat ng umano’y “cash deliveries” kaugnay ng kontrobersyal na flood control projects.
Sa panayam sa Bilyonaryo News Channel, iginiit ni Defensor na hindi nakaaapekto ang isyu ng notaryo sa imbestigasyon ng Senado dahil malinaw na nagbigay na ng testimonya si Guteza sa ilalim ng panunumpa.
“Immaterial para sa akin ‘yan kasi gumawa siya ng sworn statement sa Senado. Sinabi niya under oath, at sapat na ‘yon bilang ebidensya,” pahayag ni Defensor.
Giit pa niya, wala umanong motibo si Guteza na magpalsipika ng dokumento dahil tugma naman ang nasa affidavit at ang kanyang salaysay sa publiko. “Hindi ito perjury, ginawa niya in good faith,” dagdag niya.
Kasabay nito, iminungkahi rin ng dating kongresista na imbestigahan si Atty. Petchie Rose Espera, matapos nitong itanggi na siya ang nagnotaryo sa dokumento. Ayon kay Defensor, posibleng napilitang umatras si Espera mula sa pagkakaugnay.
Gayunpaman, nilinaw ni Defensor na kahit walang bisa ang notarization, nananatiling matimbang ang mismong testimonya ni Guteza sa Senado na naglalahad ng umano’y tatlong beses lingguhang pag-deliver ng pera kina “Mark at Paul.”
Si Espera ay kasalukuyang konektado umano sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
