BINULYAWAN ng mga nagpoprotesta si dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson sa gitna ng Trillion Peso March sa People Power Monument nitong Linggo, Setyembre 21.
Tinawag siyang “plunderer” ng ilang raliyista habang dumaraan, bagay na agad niyang binalewala at tinawag ang mga kritiko bilang mga “attack dogs.”
Noong Biyernes, Setyembre 19, nagdaos ng press conference si Singson kung saan binatikos niya ang pamahalaan ng kanyang kapwa Ilocano at dating kaalyado, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil sa umano’y mabagal at kulang na imbestigasyon sa anomalya sa flood control projects.
Ngunit ayon sa isang ulat, aktibo rin sa konstruksiyon at mga kontrata ng imprastruktura sa Ilocos Sur ang pamilya Singson.
Mariin namang itinanggi ni Chavit na may korapsyon sa kanilang panig.
