NAGLABAS ng panibagong Freeze Order ang Court of Appeals nitong Setyembre 19, 2025 matapos ang kahilingan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) laban sa mga ari-arian at asset na umano’y konektado sa maanomalyang flood control projects.
Saklaw ng kautusan ang kabuuang 592 bank accounts, tatlong insurance policies, 73 motor vehicles, at 18 real properties na pag-aari ng mga contractor at indibidwal na sangkot umano sa kontrobersyal na proyekto.
Ayon kay AMLC Executive Director Atty. Matthew M. David, ang lawak ng mga kinilalang ari-arian ay nagpapakita ng malalim na ugat ng korupsiyon sa flood control projects.
“This freeze order marks another step toward the filing of appropriate civil and criminal cases against those found to have laundered illicit proceeds,” ani David.
Binanggit din ng AMLC na bahagi ito ng kanilang mas malawak na mandato upang tukuyin, protektahan, at bawiin ang mga ari-ariang galing sa ilegal na aktibidad.
Nakikipag-ugnayan na rin ang AMLC sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para tukuyin pa ang iba pang asset na maaaring masakop ng susunod na legal na aksyon.
Itinuturing ng AMLC ang development na ito bilang pagpapatibay ng kampanya laban sa money laundering at katiwalian, partikular sa paggamit ng pondo para sa imprastruktura.
