PINALAWIG ng Department of Trade and Industry (DTI) hanggang Disyembre 31, 2025 ang pagpaparehistro ng online businesses sa ilalim ng E-Commerce Philippine Trustmark system, mula sa orihinal na deadline na Setyembre 30.
Ayon kay Trade Secretary Cristina A. Roque, layunin ng tatlong-buwang extension na tiyakin ang balanseng proteksiyon sa mga mamimili at kapakanan ng mga negosyante.
“Ang Trustmark ay hindi pasanin, kundi proteksiyon para sa mga lehitimong negosyo laban sa mga scammer na sumisira sa tiwala ng mamimili,” ani Roque.
Nilinaw ng DTI na ang Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs) na may asset na hindi hihigit sa P3 milyon ay hindi na sisingilin ng P1,000 registration fee.
Samantala, ang mga small business na may asset na hindi tataas sa P15 milyon ay kalahati lamang ng fee ang babayaran, kasama ang P100 web administration fee atP30 documentary stamp tax.
Maglalabas pa ng hiwalay na guidelines ang DTI ukol sa implementasyon.
Ipinaliwanag ng E-Commerce Bureau (ECB) na ang Trustmark ay magsisilbing basehan para ma-verify ang mga negosyo at mapadali ang pagtukoy ng mga mamimili sa mga lehitimong online seller.
Pinag-aaralan din ng DTI ang pagbibigay ng insentibo sa maagang pagpaparehistro at ang posibleng pagpapalawig ng isang taong validity ng Trustmark.
Nakabatay ang panuntunan sa Department Administrative Order (DAO) No. 25-12, na inilabas noong Setyembre 4, 2025, alinsunod sa Republic Act No. 119607 o Internet Transactions Act of 2023.
Kabilang sa requirements ang pagsusumite ng tamang business information, mga permit at lisensya, at pagkakaroon ng malinaw na mekanismo para sa reklamo ng consumer.
Mula Enero hanggang Agosto 2025, nakatanggap ang DTI ng higit 13,000 reklamo kaugnay ng online transactions, patunay sa pangangailangan ng mas mahigpit na regulasyon at accountability sa e-commerce.
Para sa inquiries, maaaring makipag-ugnayan sa ECB sa trustmark@dti.gov.ph o sa (+632) 7791-3282.
