NAGPASIKLAB sa kanyang preseason debut si Juan Gomez de Liano (JGDL) para sa Converge FiberXers matapos pangunahan ang matinding rally tungo sa 109-103 panalo kontra Meralco Bolts, Huwebes sa Hoops Center, Mandaluyong City.
Ang rookie guard na kinuha bilang No. 2 overall pick sa PBA Draft ay umarangkada sa endgame, kinabibilangan ng isang clutch four-point play at isang drive sa huling dalawang minuto upang burahin ang 12-point deficit ng FiberXers pagpasok ng fourth quarter.
“I work on those shots every day in practice, and I’m thankful Coach Dennis ‘Delta’ Pineda and the staff trust me. I just want to contribute, produce, and play my game,” ani Gomez de Liano.
Ito ang unang opisyal na laro ni JGDL sa Converge matapos pumirma ng three-year deal noong nakaraang Sabado. Hindi siya nakalaro kontra Rain or Shine noon ngunit ipinakita ang kanyang explosiveness kontra Meralco.
Maganda rin ang chemistry ng rookie kasama sina Justine Baltazar, Justin Arana, Schonny Winston, at Alec Stockton na nagsama-sama sa final stretch para tapusin ang laban.
Samantala, nakontrol ng Meralco ang malaking bahagi ng laro kahit wala sina Chris Newsome, Brandon Bates, at Bong Quinto.
Pinangunahan sila nina Chris Banchero, Raymond Almazan, Aaron Black, at CJ Cansino, pero bumigay sa huli laban sa batang lineup ng Converge. (RON TOLENTINO)
