Ipinakita ni MMDA Chairman Atty. Don ang body cam na gagamitin ng mga traffic enforcer sa ilalim ng No Contact Apprehension Policy (NCAP), kasabay ng paglulunsad ng Swift Traffic Action Group (STAG) nitong Miyerkules, Setyembre 10, 2025, sa Command Center, Pasig City. Layunin ng inisyatiba na bawasan ang interaksyon at argumento sa pagitan ng motorista at enforcer sa clearing operations. (Kuha ni Art Torres)
Inilunsad na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paggamit ng body-worn cameras para sa mga traffic enforcer bilang bahagi ng kampanya nito para sa mas mataas na transparency, accountability, at kaligtasan sa kalsada sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, ang unang deployment ay sasaklaw sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila at sa mga alternatibong ruta na tinaguriang Mabuhay Lanes.
“The use of body-worn cameras is part of the innovations for the NCAP. It will initially cover key Metro Manila thoroughfares and designated Mabuhay Lanes. Eventually, we will expand the coverage once the ban on street parking in Metro Manila is approved,” pahayag ni Artes sa isang press briefing nitong Miyerkules.
Ang bagong kagamitan ay direktang konektado sa MMDA Communications and Command Center at inaasahang makatutulong upang mabilis na maresolba ang mga pagtatalo kaugnay ng traffic violations. Layunin din nitong maiwasan ang hindi pagkakaunawaan o alitan sa pagitan ng motorista at enforcer.
Bilang suporta sa No Contact Apprehension Policy (NCAP), ang body cams ay gagamitin ng bagong tatag na Swift Traffic Action Group (STAG). Kamakailan ay nagpahayag din ng suporta si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa NCAP, na aniya’y nakapagpapatibay ng disiplina, nagtataguyod ng kaligtasan sa kalsada, at nakababawas ng korapsyon.
Ipinunto ni Artes na pinahihintulutan ng MMDA Resolution No. 16-01, Series of 2016 ang paggamit ng digital cameras, CCTV, at iba pang makabagong teknolohiya para sa traffic enforcement.
Sinanay na rin ang mga tauhan ng STAG, sa pamumuno ni Traffic Operations Officer IV Edison “Bong” Nebrija, upang masiguro ang tamang paggamit ng body cams, kabilang ang pagsunod sa mga pamantayan ng data privacy.
Upang matiyak ang accountability, ipinatutupad ang buddy system kung saan isang enforcer ang nagsusuot ng kamera habang ang kasama naman nito ang nag-iisyu at nagre-record ng notice of violation. Ang lahat ng footage ay ina-upload at nire-review nang mano-mano sa command center matapos ang bawat operasyon.
Ang unang bugso ng operasyon ay tututok sa illegal parking sa pamamagitan ng STAG. Pagkalipas ng isang linggo, magsasagawa ng follow-up clearing operations ang Special Operations Group–Task Force for Road Clearing (SOG-TFRC), sa pamumuno ni Traffic Operations Officer III Gabriel Go.
Batay sa datos ng MMDA, umabot na sa 65,918 violations ang naitala ng NCAP system hanggang Setyembre 8, kung saan 36,255 ang nakumpirma at napatunayang pormal na paglabag.
