REHAS na bakal ang kinasadlakan ng dalawang lalaki matapos mahuli sa ikinasang anti-gambling operation ng pulisya at makuhanan pa ng baril ang isa sa kanila sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Police Acting Chief P/ Col. Joseph Talento, nakatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen ang mga tauhan ng Malinta Police Sub-Station 4 na may nagaganap umanong ilegal gambling activity sa Area 4 Dumpsite, Barangay Malinta.
Kaagad rumesponde sa lugar ang mga pulis kung saan naaktuhan nila ang dalawang lalaki na naglalaro umano ng ‘cara y cruz’ na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.
Nasamsam sa mga suspek na sina alyas “Dodong”, 25, at alyas “Balong”, 29, ang tatlong peso coins ‘pangara’ at P300 bet money habang ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala ay nakuha kay ‘Dodong’.
Sinampahan na ang mga suspek ng kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-Illegal Gambling Law) habang karagdagan na kasong paglabag sa R.A 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang isinampa pa kay ‘Dodong’.
Pinuri naman ni P/BGen. Jerry Protacio, Acting District Director Northern Police District ang Valenzuela Police para sa kanilang pagbabantay at dedikasyon sa kaligtasan ng publiko.
