SINUSPINDE ng pamahalaan ng South Korea ang pondong inilaan para sa proyektong pagtatayo ng mahigit 300 tulay sa Pilipinas, dahil umano sa pangamba sa “poor management” ng proyekto.
“I have ordered an immediate halt to the procedures for the [Philippine] project,” pahayag ni South Korean President Lee Jae-myung, ayon sa ulat ng The Chosun Daily.
Batay sa ulat ng Hankyoreh, noong Nobyembre 2023 ay nagsumite ang Department of Finance ng Pilipinas ng loan application na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₩700 bilyon (katumbas ng $510 milyon o tinatayang ₱28 bilyon).
Mula rito, humiling ang Philippine government ng $439 milyon (₩611.7 bilyon) bilang pondo para sa proyekto.
Sakop ng panukala ang pagtatayo ng 350 modular bridges sa buong bansa hanggang 2028: 210 sa Luzon, 88 sa Visayas, at 53 sa Mindanao.
Target nitong makatulong sa mga magsasaka at iba pang residente sa kanayunan upang mapadali ang transportasyon ng kanilang produkto at serbisyo.
Bagama’t hindi tuwirang binanggit ng South Korean government ang isyu ng katiwalian, kasabay naman nito ang mga imbestigasyon ng Senado at Kamara hinggil sa umano’y substandard at ghost flood control projects na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso.
Ilang mambabatas ang nadawit sa nasabing kontrobersya, habang tatlong pribadong kontratista ang na-blacklist dahil sa maanomalyang proyekto.
Itinuturing ng ilang political observers na malaking dagok ito sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., lalo na’t bahagi ng kanyang programa ang pagpapalawak ng imprastruktura sa bansa. (MINA PADERNA)
