Binibigyang-prayoridad ngayon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang kaso ng 27 Chinese nationals na napaulat na nawawala sa bansa, kasabay ng nakatakdang paglulunsad ng isang help desk na partikular na itatalaga para sa mga krimeng kinasasangkutan ng mga Chinese.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ni PAOCC Executive Director Gilbert Cruz na ibinigay ng Chinese Embassy sa Maynila ang listahan ng mga nawawalang indibidwal, na isasailalim sa cross-matching upang matukoy ang aktuwal na kalagayan ng mga ito.
“Mahalagang malaman kung ang mga ito ba ay tunay na dinukot, biktima ng krimen, o kusang nagtatago upang umiwas sa pananagutan,” paliwanag ni Cruz sa Kapihan sa Manila Bay forum nitong Miyerkules.
Dagdag pa niya, ang help desk ay magsisilbing direktang linya ng komunikasyon para sa mga Chinese nationals at kanilang pamilya na nakararanas ng problema sa bansa, mula sa pagkawala ng pasaporte hanggang sa mas malalalang kaso ng kidnapping at pagpatay.
Binanggit din ni Cruz ang kaso ng negosyanteng si Anson Tan, kilala rin bilang Anson Que, na naging biktima ng pagdukot at pagpatay.
Giit niya, malinaw na hindi lamang Pilipino ang nagiging biktima ng malalaking sindikato, kundi pati mga dayuhang naninirahan o nagnenegosyo sa bansa.
Ayon sa opisyal, malaking tulong ang ugnayan ng PAOCC at ng Chinese Embassy upang agad na maiproseso ang mga reklamo at mapabilis ang aksyon ng mga awtoridad.
Ibinigay din ng embahada ang listahan ng mga Chinese nationals na may kasong kinahaharap sa Pilipinas, na makatutulong aniya sa pagbibigay-linaw kung sino ang tunay na biktima at sino ang maaaring nagtatago.
Ang itatayong help desk ay ilulunsad sa loob ng dalawang linggo sa Binondo, Maynila, at magsisilbing “one-stop center” na maaaring lapitan ng mga Chinese nationals.
Magkakaroon din ito ng mga tauhan na may kakayahang magsalita ng Mandarin at iba pang Chinese dialects para mas maging madali ang pakikipag-ugnayan.
Matatandaang noong Agosto, nagbukas na rin ang PAOCC ng katulad na help desk para sa mga Korean nationals, kasunod ng serye ng karahasang kinasangkutan ng mga dayuhang Koreano.
“Ang mahalaga po rito ay mayroon silang diretsong malalapitan at matatawagan para makapagsumbong at makakuha ng agarang tulong,” aniya. (MINA PADERNA)
