NAGSAGAWA si Mayor Joy Belmonte ng masusing pagsusuri sa mga flood control projects sa lungsod matapos lumabas ang mga ulat na may ilang proyektong hindi nakalista sa masterplan ng Quezon City at posibleng sangkot sa iregularidad.
Sa isang panayam kay broadcaster Karmina Torres noong Setyembre 7, inilahad ni Belmonte na may kabuuang 254 flood control projects na nakapaloob sa talaan ng kanyang team, subalit 93 pa lamang dito ang na-inspeksyon ng city engineers.
Sa mga nakilatis na proyekto, nadiskubre umanong may ilan na hindi idinedeklara ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa lokal na pamahalaan kahit na may regular na pagpupulong dalawang beses kada buwan.
Bilang tugon, bumuo si Belmonte ng special task force upang beripikahin ang tala mula sa Isumbong Sa Pangulo website at isinagawa rin ang crowdsourcing sa pamamagitan ng paghingi ng impormasyon mula sa mga residente ng Quezon City. Aniya, mahalagang matukoy ng pamahalaang lungsod kung may mga proyekto bang idinagdag o isinagawa nang hindi ipinaalam sa kanilang tanggapan.
“Layunin natin na matukoy kung alin sa mga proyektong ito ang alinsunod sa plano ng lungsod at kung alin ang maaaring may iregularidad. Responsibilidad nating tiyakin na ang lahat ng proyektong inilalagay sa Quezon City ay may saysay at makikinabang ang ating mga residente,” pahayag ni Belmonte.
Nabanggit din sa panayam ang pangalan ni Quezon City 1st District Representative Arjo Atayde, na konektado umano sa isang flood control project na isinailalim sa pagbusisi.
Ang pagbanggit na ito ay agad na nakatawag-pansin sa publiko, lalo na’t kasabay nito ang mas malawak na usapin ng mga umano’y anomalya sa flood control projects sa buong bansa.
Matatandaang kamakailan lamang na kasama si Atayde sa pinangalanan ng mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya sa mga nanghingi ng porsyento sa kanilang mga proyekto at para hindi maipit ang kanilang kontrata.
Sa harap ng mga katanungan at espekulasyon, tiniyak ni Belmonte na ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ang masusing imbestigasyon upang matiyak ang transparency, accountability, at integridad sa pagpapatupad ng mga proyektong imprastraktura sa Quezon City. (MINA PADERNA)
