Isang jobless na ina ang nasawi matapos pagsasaksakin ng hindi pa nakikilalang suspek na nanloob sa kanilang tahanan at tumangay ng mga gamit at salapi sa Binangonan, Rizal nitong Sabado ng gabi, Agosto 30.
Ayon sa ulat ng Binangonan Municipal Police Station (MPS), natagpuan ng anak ang biktimang si Joycelyn, residente ng Saint Monique Valais, Barangay Pantok, na duguan at may mga tama ng saksak sa loob ng kanilang bahay bandang alas-10:50 ng gabi.
Kabilang sa nawawala sa kanyang mga gamit ang isang Realme cellphone, isang Apple iPod, at P5,000 cash.
Agad dinala ng anak na si Mary Jill, isang caregiver, ang biktima sa Lakeview Hospital, subalit idineklara itong dead on arrival ni Dra. Monica Hernandez.
Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya, katuwang ang Rizal Provincial Forensic Unit, upang tukuyin at maaresto ang salarin sa kasong Robbery with Homicide.
