Matapos ang palitan ng maaanghang na salita noong nakaraang linggo, tila nagkabati na sina Manila 3rd District Rep. Joel Chua at Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso para sa kapakanan ng mga taga-Maynila.
Sa isang Facebook post nitong Sabado, Agosto 30, sinabi ni Chua:
“Para sa kapanatagan ng ating distrito, minarapat po namin na mag-usap at isang tabi ang mga hindi pagkakaunawaan. Kami ay magtutulungan para sa mga batang Maynila.”
Kalakip ng post ang larawan nila ni Moreno na magkasamang nakangiti, hudyat ng kanilang pagkakasundo.
Matatandaang nagbangayan ang dalawa kaugnay ng umano’y iligal na pagpapatayo ng pasilidad sa kanto ng Alvarez Street at Avenida sa Barangay 334. Ayon kay Moreno, walang kaukulang permit ang proyekto, pati na ang ginawang demolisyon sa lugar.
Hindi naman nagpahuli si Chua at tinawag pang “all talk” si Moreno, sabay banat sa dating karera nito sa showbiz.
Gayunman, idineklara na ngayon ng dalawang opisyal na “water under the bridge” ang kanilang hidwaan at handa na silang magsanib-puwersa para sa kapakanan ng mga Manileño. (MINA PADERNA)
