Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang truck driver na sangkot sa isang nakamamatay na banggaan sa Quezon City. Ang hakbang ay ipinatupad sa ilalim ng pamumuno ng Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan sa kalsada.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, 90 araw ang bisa ng preventive suspension habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Batay sa inisyal na ulat ng LTO-Intelligence and Investigation Division na pinamumunuan ni Renante Melitante, nasawi ang isang lalaking pedestrian matapos mabundol ng isang Shacman Tractor Head na may Crane Truck sa Barangay Pasong Putik noong Agosto 20.
Ang biktima ay tumatawid umano nang mangyari ang insidente.
Ngunit imbes na tulungan, iniwan umano ng driver ang biktima at tumakas.
Ayon kay Asec. Mendoza, nagpalabas na ng show cause order laban sa rehistradong may-ari at sa mismong driver ng trak. Inaatasan silang humarap sa LTO Central Office sa Quezon City sa darating na Setyembre 5.
Nahaharap ang driver sa kasong Reckless Driving at posibleng ideklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, habang ipapaliwanag naman ng may-ari kung bakit hindi siya dapat parusahan sa pagkuha ng isang pasaway na driver.
Dagdag pa ni Asec. Mendoza, inilagay na rin sa “alarm” status ang nasabing trak upang hindi magamit sa anumang transaksyon habang nasa ilalim ng imbestigasyon. (MINA PADERNA)
